Personal na haharap sa witness stand si Vice President Sara Duterte sa Biyernes, Disyembre 4, upang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment case laban sa kanya.
Ayon sa manifestation na isinumite ng kanyang defense team nitong Linggo, mismong ang bise presidente ang magbibigay ng testimonya upang sagutin at pabulaanan ang mga paratang na nakasaad sa articles of impeachment.
Ito ang unang pagkakataong haharap si Duterte upang magbigay ng testimonya mula nang magsimula ang impeachment trial noong Hulyo. Kinumpirma rin ni Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ng depensa, ang paghahain ng kanilang manifestation.
Samantala, ikinatuwa naman ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon, isa sa mga impeachment prosecutor, ang naging desisyon ng bise presidente na personal na tumestigo sa paglilitis.
Matagal nang hinihiling ng prosecution na humarap si Duterte upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya. Kabilang dito ang umano’y pagbabanta sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa pamilya nito, maling paggamit ng confidential funds, at bribery.
Sa kasalukuyan, mas nakatuon ang mga prosecutor sa mga isyu kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte at sa mga kuwestiyonableng deklarasyon nito tungkol sa kanyang mga ari-arian.
Samantala, inaasahang magpapatuloy ang buong araw na pagdinig sa impeachment trial sa Martes, Disyembre 1, bago ang nakatakdang pagharap ng bise presidente sa witness stand sa Disyembre 4.














