Pinapalakas ng City Veterinary Office ng Naga City ang mga serbisyong pangkalusugan para sa mga alagang hayop, partikular sa livestock, upang masuportahan ang produksyon at kabuhayan ng mga nag-aalaga ng hayop sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay City Veterinarian Dr. Johann Michael R. Sales, sinabi nitong kabilang sa mga libreng serbisyo ng tanggapan ang pagbibigay ng vitamins, deworming, artificial insemination para sa malalaking ruminant at piglet castration para sa mga nag-aalaga ng baboy.
Saklaw ng programa ang pitong agricultural barangay na Panicuason, Carolina, Pacol, San Felipe, Balatas, San Isidro at Del Rosario, kung saan nasa 100 hanggang 150 livestock raisers na ang nakinabang.
Patuloy rin ang pagsubaybay ng tanggapan sa mga sakit ng hayop gaya ng Avian Influenza, African Swine Fever o ASF at Foot and Mouth Disease. Ayon kay Sales, noong Oktubre pa ang huling natukoy na kaso ng ASF.
Kabilang din sa mga karaniwang natutuklasan ng livestock division ang kakulangan sa micronutrients na maaaring dulot ng hindi sapat na supplements.
Samantala, target ng tanggapan na bumuo ng karagdagang livestock associations para sa mga nag-aalaga ng kambing at poultry sa susunod na taon upang mapadali ang pamamahagi ng mga proyekto, training at iba pang programa ng Department of Agriculture.
Naghahanda rin ang opisina ng mga pagsasanay tungkol sa biosecurity, livestock production at tamang pag-aalaga ng mga hayop.
Pinapayuhan naman ni Sales ang mga livestock raisers na magparehistro sa City Veterinary Office at sa mga asosasyon, at agad ireport ang kawalan ng gana sa pagkain, panghihina o anumang kakaibang kondisyon ng kanilang mga alagang hayop upang mabigyan ng maagap na pagsusuri at lunas.









