Iniulat ng Commission on Elections (COMELEC) na umabot na sa mahigit 3.9 milyong aplikasyon ng botante ang kanilang naproseso para sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), halos tatlong beses sa kanilang orihinal na target.
Batay sa pinakahuling datos ng COMELEC, nasa 3,909,634 na Pilipino ang nag-apply para magparehistro, kung saan 2,017,757 ay babae at 1,891,877 ay lalaki.
Nanguna ang Region IV-A o CALABARZON sa may pinakamataas na bilang ng aplikante na 642,217, sinundan ng Region III (Central Luzon) na may 434,920, National Capital Region na may 397,540, at Region V (Bicol Region) na may 235,596.
Mayroon ding 9,163 aplikante na nagparehistro sa pamamagitan ng Special Register Anywhere Program (SRAP) site sa punong tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, Maynila.
Ayon sa ahensya, ang voter registration para sa 2026 BSKE ay nagsimula noong Oktubre 20, 2025 at magpapatuloy hanggang Mayo 18, 2026, na bukas araw-araw mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa mga satellite registration sites at Offices of the Election Officer.
Saklaw ng registration period ang iba’t ibang uri ng aplikasyon kabilang ang bagong rehistro, paglilipat, pagbabago ng pangalan o status, pagwawasto ng entry, reactivation, at reinstatement ng pangalan sa listahan ng botante.
Nauna nang itinakda ng COMELEC ang target na 1.4 milyong bagong botante para sa BSKE, ngunit nalampasan ito ng halos tatlong beses.
Samantala, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagpaliban sa BSKE mula Disyembre 1, 2025 patungo sa unang Lunes ng Nobyembre 2026, at itatakda na itong ganapin kada apat na taon.














