NAGA CITY – Patay ang isang construction worker matapos barilin sa Sitio VIP, Brgy. Lusacan, Tiaong, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Rommel Pizarro Pintang, 26-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na habang nakatayo sa labas ng kanilang bahay si Pintang nang bigla na lamang dumating ang suspek na si Odelon Colombo Adolatre, residente rin ng nasbaing lugar at dito na nito binaril ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad nabatid na dahil sa insidente, nagtamo ng tama ng bala ng baril si Pintang sa kaniyang ulo na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Dagdag pa rito, una nang nagkaroon ng mainit na argumento ang dalawa sa umano’y pang-aakusa ng suspek na ninakaw ng biktima ang cellphone ng kaniyang anak na muntik pang mauwi sa suntukan.

Samantala, matapos ang krimen, agad namang tumakas si Adolatre papunta sa Brgy. Cabatang sa nasabi ring bayan habang dala ang ginamit na baril.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente gayundin ang pagtukoy sa kinaroonan ng suspek.