Nagbigay naman ng pahayag ang Convenor ng Duterte Panagutin Network, kaugnay ng pag-aresto kay Senador Jinggoy Estrada at ang naging epekto nito sa operasyon ng Senado matapos ang hindi pagdalo ng majority bloc sa sesyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Jojo Lacanilao (Convenor, Duterte Panagutin Network), sinabi nito namalinaw na isinilbi ang batas nang ipatupad ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa senador sa kabila ng pagiging nasa loob ito ng Senado. Binigyang-diin niya na ang umiiral na “tradisyon” sa loob ng mataas na kapulungan ay hindi maaaring manaig laban sa isang legal na utos ng korte.
Giit ni Lacanilao, ang pag-aresto ay dapat ituring na pagpapatupad ng umiiral na batas at hindi isang isyung maaaring pigilan sa pamamagitan lamang ng protocol o nakasanayang gawain sa institusyon.
Samantala, iginiit din ng naturang opisyal na ang hindi pagdalo ng majority bloc sa sesyon ng Senado ay nagdulot ng pagkaantala sa mga nakatakdang gawaing lehislatibo. Ayon sa kaniya, ang kawalan ng quorum ay nagresulta sa hindi pagtuloy ng plenary session at pagkapigil sa mga nakahandang panukalang batas.
Binigyang-pansin din niya na ang ganitong sitwasyon ay maaaring makaapekto sa kredibilidad ng institusyon kung patuloy na mamamayani ang isyung pampulitika kaysa sa tungkuling pambatas.
Nanawagan ang convenor na pairalin ang pagsunod sa batas at pagpapatuloy ng trabaho ng Senado sa kabila ng umiinit na usapin sa pagitan ng mga miyembro nito at ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas.











