
Kinumpirma ng pulisya sa Prague na “aware” sila sa sitwasyon ng Pilipinong sangkot sa kaso kaugnay ng ulat ng pagkakaaresto kay dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, ngunit tumanggi silang magbigay ng karagdagang detalye at itinuro ang kanilang Ministry of Interior para sa opisyal na pahayag.
Ayon sa ulat, isang press officer ng Czech police ang nagsabing inaayos pa nila ang impormasyon hinggil sa insidente bago ito tuluyang i-refer sa Ministry of Interior para sa opisyal na kumpirmasyon at paglilinaw.
Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pagkakaaresto kay Co noong Huwebes, at sinabing nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa Czech government upang matiyak ang tamang pagsunod sa legal process at mapabilis ang posibleng pagbabalik nito sa Pilipinas.
Samantala, nananatiling tikom ang Philippine Embassy sa Czech Republic kaugnay ng detalye ng insidente at kung magbibigay ito ng consular assistance sa dating mambabatas.
Si Co ay nahaharap sa mga kasong graft at malversation kasama ang 15 iba pa kaugnay ng umano’y substandard na ₱289-million flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Matatandaang noong Enero, iniulat na humarap si Co sa Stockholm County Administrative Board sa Sweden kaugnay ng kanyang petisyon sa Korte Suprema. Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na kumpirmasyon mula sa Czech authorities habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng Pilipinas at Czech Republic.













