NAGA CITY-Patay ang dalawang katao habang sugatan naman ang isa pa matapos pagbabarilin sa Brgy. Isabang, Tayabas City.
Kinilala ang mga biktima na sina Joselito, 38-anyos; Rico, 37-anyos; at Elgelito, 28-anyos, pawang residente ng nasambitan na lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa loob ng kanilang bahay ang mga biktima nang tinakot ng suspek na si Christian Ormacido Lingahan ang mga biktima, dahilan upang habulin ng mga ito si Christian habang nag-aabang na pala ang iba pang mga suspek na sina Elmer Hisala Linggahan, 40-anyos; Venson, 21-anyos; Vincent Ormacido Lingahan, 17-anyos; at Armendo sa daan at dito na nila pinagbabaril ang mga biktima.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa kaliwang balikat si Rico habang tinamaan naman ng bala sina Joselito at Elgelito sa iba-ibang parte ng katawan, rason upang agad na mamatay ang dalawa.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na kaagad tumakas ang mga suspek pagkatapos ng isinagawang krimen, dala ang kanilang ginamit na baril.
Samantala, nakuha sa pinangyarihan ng krimen an anim na pirasong basyo ng bala ng Kalibre 45.
Sa ngayon, naaresto na sina Elmer, Vincent, at Christian sa follow up investigation at dragnet operation ng mga awtoridad. Patuloy pa rin na pinaghahanap ang iba pang mga suspek.