Ibinunyag ng dating DPWH Bulacan First District Engineer na si Henry Alcantara sa Sandiganbayan na 30% lamang ng pondo para sa flood control projects ang aktwal na nagagamit sa implementasyon.
Sa isinagawang bail hearing sa kasong malversation, sinabi ni Alcantara na mula sa bawat ₱100 na alokasyon ng Kongreso, nasa 30% hanggang 35% lamang ang natitira para sa proyekto matapos ang iba’t ibang kaltas tulad ng komisyon, royalties, buwis, at retention fees.
Ayon sa kanyang testimonya, nakakatanggap ang mga proponent ng humigit-kumulang 30% ng pondo, habang 3% naman ang napupunta sa mga kontraktor.
Inamin din ni Alcantara na personal siyang nakatanggap ng 1.5% hanggang 2% na komisyon mula sa mga proyekto.
Dagdag pa niya, ang naturang scheme ay partikular umano sa flood control projects, dahil sa ibang infrastructure projects ay umaabot sa 70% ang napupunta sa aktwal na implementasyon.
Isiniwalat din niya na naghatid siya ng nasa ₱1.75 bilyon hanggang ₱1.8 bilyon kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo kaugnay ng infrastructure projects, ngunit nilinaw na walang natanggap na bahagi si Bernardo mula sa partikular na proyektong tinutukoy.
Tinukoy rin ni Alcantara si dating senador Ramon Revilla Jr bilang proponent batay sa umano’y verbal instruction mula kay Bernardo, ngunit inamin niyang wala siyang ebidensya na nakatanggap ito ng anumang bayad.
Nauna nang itinanggi ni Revilla ang alegasyon na tumanggap siya ng kickback mula sa nasabing mga proyekto.














