Nanawagan si Pope Leo XIV ng kapayapaan sa mga bansang patuloy na nakararanas ng digmaan, kasabay ng pagdiriwang ng unang Linggo ng Advent sa St. Peter’s Square sa Vatican nitong Linggo.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ng Santo Papa ang mga mananampalataya na maglaan ng panahon sa panalangin, pakikinig sa Salita ng Diyos at paggawa ng kabutihan bilang paghahanda sa pagdating ni Hesukristo ngayong Kapaskuhan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtulong sa mga taong naapektuhan ng digmaan at pagsasagawa ng mga konkretong hakbang upang makamit ang kapayapaan.
Ayon sa Santo Papa, ang panahon ng Advent ay pagkakataon upang patatagin ang pananampalataya, mapalapit muli sa Diyos at maipakita ang pagmamahal sa kapwa.
Hinimok din niya ang mga Katoliko na isabuhay ang tunay na diwa ng Advent sa pamamagitan ng pakikibahagi sa Banal na Misa, kumpisal, panalangin at pagtulong sa mga nangangailangan bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko.














