Mariing pinabulaanan ng Department of Budget and Management (DBM) ang alegasyon na sinasadya nitong ipagpaliban ang paglalabas ng pondo para sa mga public works project ng pamahalaan.

Sa inilabas na pahayag ng ahensiya ngayong Martes, Marso 17, iginiit ng DBM na lahat ng paglalabas ng pondo ay mahigpit na sumusunod sa batas at sa badyet na inaprubahan ng Pangulo at ng Kongreso.

Ayon sa DBM, ang mga budget release ay nakabatay sa 2026 General Appropriations Act na ipinasa ng Kongreso at nilagdaan ng Pangulo.

Ipinaliwanag din ng ahensiya na may ilang locally funded infrastructure projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na binago ng Kongreso, kabilang ang adjustments sa project descriptions, station limits, at geographic coordinates.

Advertisement

Dahil dito, nagkaroon umano ng mga pagbabago sa ilang proyekto na orihinal na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng ehekutibo.

Nilinaw din ng DBM na hindi nila inaatasan ang mga ahensiya na magsagawa muna ng bidding bago pagdesisyunan ang paglalabas ng pondo.

Sa halip, pinapayuhan lamang ng DBM ang mga implementing agency na magsagawa ng early procurement activities para mapabilis ang paghahanda at implementasyon ng mga proyekto, bagama’t hindi pa ito maaaring umabot sa awarding stage habang nasa proseso pa ng pag-apruba ang badyet.

Binigyang-diin din ng ahensiya na hindi sila maaaring maglabas ng pondo kung walang pormal na kahilingan mula sa implementing agency.

Ang naturang pahayag ay tugon ng DBM sa alegasyon ng ilang mambabatas na nagsasabing naantala ang pagpopondo sa ilang locally funded infrastructure projects na ipinatutupad ng DPWH.

Advertisement