Lumagda ang Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isang memorandum of agreement (MOA) para pabilisin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa, bilang tugon sa mahigit 144,000 classroom backlog.
Pinangunahan nina Education Secretary Sonny Angara at Public Works Secretary Vince Dizon ang pagpirma ng kasunduan na nagtatakda ng unified framework para sa planning, design, at konstruksyon ng mga pasilidad sa basic education.
Sa ilalim ng MOA, saklaw ng pinabilis na implementasyon ang Basic Education Facilities Program (BEFP), kabilang ang construction, repair, replacement, at rehabilitasyon ng mga silid-aralan mula kindergarten hanggang senior high school, pati na rin ang technical-vocational laboratories at pasilidad sa mga geographically isolated o “Last Mile Schools.”
Ayon kay Angara, layunin ng hakbang na matugunan ang kakulangan sa classrooms at matiyak ang ligtas na learning spaces para sa mga mag-aaral, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na palakasin ang sektor ng edukasyon.
“Dahil sa malinaw na layunin ni President Bongbong Marcos na palakasin ang edukasyon, pinapabilis natin ang pagpapatayo ng dekalidad na classrooms,” ani Angara.
Idinagdag pa niya na mas paiigtingin ang koordinasyon ng DepEd at DPWH upang mapabilis ang implementasyon at matiyak na tumutugma ang mga proyekto sa aktwal na pangangailangan ng mga paaralan.
“It’s a testament… To act fast… Bilisan natin,” ayon naman kay Dizon.
Sa ilalim ng kasunduan, ang DepEd ang tutukoy ng priority schools at maghahanda ng mga kinakailangang permit, habang ang DPWH ang hahawak sa procurement, konstruksyon, at pagsunod sa safety standards.
Tiniyak din na isasama sa programa ang inclusive infrastructure tulad ng accessibility features para sa persons with disabilities at maayos na water at sanitation facilities upang mapabuti ang kabuuang kondisyon ng pagkatuto.














