Itinanggi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na mayroon nang inilabas na warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Christopher “Bong” Go at dalawang dating pulis.

Ayon kay Remulla, wala pang natatanggap ang mga awtoridad na anumang opisyal na dokumento mula sa ICC kaugnay ng sinasabing warrant laban sa senador at mga dating miyembro ng kapulisan.

Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng ibinahaging impormasyon ni Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte sa social media na mayroon umano siyang mapagkakatiwalaang source na nagsasabing inilabas na ang ICC warrants laban kay Go at ilang dating pulis.

Kinuwestiyon naman ni Duterte ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iginiit na ginagamit umano ang ICC laban sa mga kalaban sa pulitika.

Advertisement

Sinabi ni Remulla na nakausap niya si Justice Secretary Fredderick Vida na kumumpirma na wala pang natatanggap ang Department of Justice ng anumang dokumento mula sa ICC.

Dagdag pa ng kalihim, maging ang Philippine National Police (PNP) ay wala ring natatanggap na anumang abiso o dokumento hinggil sa umano’y warrant of arrest.

Matatandaang nauna nang lumabas ang warrant of arrest laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng imbestigasyon ng ICC sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Advertisement