Mariing iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na walang naganap na pag-atake sa Senado kaugnay ng “gun-related incident” noong Mayo 13, 2026.

Sa isang pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Remulla na batay sa lahat ng ebidensya, malinaw na walang attack na naganap sa gusali ng Senado.

“All evidence points that there was no attack on the Senate,” pahayag ni Remulla.

Ipinaliwanag ng kalihim na walang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na pumasok sa mismong gusali ng Senado, at ang mga ito ay nasa katabing Government Service Insurance System (GSIS) building lamang.

Advertisement

Ayon pa sa kanya, humingi ng tulong si GSIS President at General Manager Wick Veloso sa NBI upang palakasin ang seguridad sa kanilang gusali matapos ang mga pangyayari sa paligid ng Senado.

Sinabi rin ni Remulla na layunin ng GSIS na protektahan ang mga mahahalagang kagamitan at koleksyon sa kanilang gusali sakaling lumala ang sitwasyon sa paligid.

Ayon sa kalihim, 29 NBI agents ang dumating sa GSIS premises para sa inspeksyon sa outdoor canteen hallway patungong Kalayaan Garden, kung saan nakasuot umano ang mga ito ng uniporme at walang dalang tactical gear.

Bandang 7:02 ng gabi, 27 sa mga ahente ang umalis habang dalawa ang naiwan sa lugar.

Samantala, sinabi ni Remulla na bandang 7:44 ng gabi ay inutusan umano ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca ang mga operatiba ng Senate security, kabilang ang pulis at Marines, na mag-“lock and load.”

Ayon sa kalihim, makikita sa CCTV footage ang pag-cock ng armas ng ilang Marines bago ang tensyon sa hallway kung nasaan ang mga NBI agents.

Mula 7:46 hanggang 7:49 ng gabi, nakita umano sa CCTV ang usok at posibleng muzzle fire habang nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng Senate security at NBI personnel.

Iginiit din ni Remulla na si Aplasca ang unang nagpaputok ng tatlong beses malapit sa puwesto ng mga NBI agents, habang ang mga ito naman ay gumanti ng “cover fire” dahil inakala nilang sila ay inaatake.

Nilinaw niya na hindi umano nakatutok sa Senado ang pagpapaputok ng NBI agents at agad ding pinahinto ang kanilang aksyon.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na walang naganap na pag-atake sa Senado, na salungat sa naunang pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano hinggil sa insidente.

Advertisement