Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagbubukas ng panibagong batch ng one-time financial assistance para sa mga overseas Filipino workers na naapektuhan ng krisis sa Middle East, partikular sa Dubai at Northern Emirates.
Ayon sa DMW, muling binuksan ang aplikasyon nitong Biyernes para sa financial aid, kung saan 1,000 slots ang agad napuno. Tiniyak ng ahensya na magbubukas muli ng panibagong slots sa Martes, alas-8 ng umaga.
Ipinaliwanag ng Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai na ilalabas ang aplikasyon sa apat na batch tuwing Martes at Biyernes sa loob ng dalawang linggo upang mas maging maayos at accessible ang proseso.
Para makapag-apply, kinakailangan ang Request for Assistance (RFA) form, passport bio page, Emirates ID, patunay ng overseas employment, at patunay ng work disruption. Paalala ng MWO Dubai, isang beses lamang dapat mag-apply ang bawat aplikante dahil ang multiple applications ay magreresulta sa disqualification.
Makakatanggap ang mga kwalipikadong aplikante ng tulong-pinansyal na nagkakahalaga ng USD $200 o higit P12,000, na ipapadala sa pamamagitan ng remittance o maaaring kunin sa mga sangay ng Al Ansari Exchange sa United Arab Emirates.
Ayon pa sa DMW, hindi na maaaring muling mag-apply ang mga OFW na nakatanggap na ng kaparehong tulong kaugnay ng krisis sa Middle East.













