Inaasahang matatapos sa Agosto ngayong taon ang isang malaking transmission project na layong tugunan ang problema sa suplay ng kuryente sa Boracay at iba pang bahagi ng Aklan, ayon sa Department of Energy (DOE).

Ayon sa DOE, isasagawa ang inspeksyon kasama ang iba pang ahensya sa P5.27-bilyong Nabas-Caticlan-Boracay Transmission Line Project (NCBTLP), na kasalukuyang 93.16% nang kumpleto.

Layunin ng proyekto na maghatid ng mas matatag at maaasahang suplay ng kuryente sa Aklan, partikular sa Boracay na isa sa pangunahing destinasyon ng turismo sa bansa.

Ayon kay DOE Undersecretary Rowena Cristina Guevara, pinabibilis na ang pagtatapos ng proyekto dahil mahalaga ang sapat na kuryente sa patuloy na paglago ng ekonomiya at turismo sa lugar.

Advertisement

Dagdag pa ng DOE, inaasahang mahihikayat din ng proyekto ang mga mamumuhunan na magtayo ng renewable energy projects sa probinsya upang matugunan ang lumalaking demand sa kuryente.

Kapag natapos, inaasahang makikinabang dito ang humigit-kumulang 155,474 residential customers, 13,388 commercial establishments, at 27 industrial users sa Aklan.

Binigyang-diin ng ahensya na mahalaga ang ganitong imprastraktura sa pagsusulong ng pangkalahatang layunin ng sektor ng enerhiya sa bansa.

Advertisement