Hinikayat ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration Philippines (FDA) ang publiko na tiyaking rehistrado at aprubado ang mga health at consumer products bago bilhin sa pamamagitan ng bagong online verification portal ng ahensya.
Sa isang advisory na inilabas sa social media, pinaalalahanan ng DOH ang mga mamimili na suriin muna kung rehistrado at ligtas gamitin ang mga produktong pangkalusugan bago ito bilhin o gamitin.
Maaaring i-check ng mga consumer ang pagiging lehitimo ng produkto sa verification portal ng FDA sa verification.fda.gov.ph o sa opisyal na website ng ahensya.
Ayon sa DOH at FDA, maaaring gamitin ang text search o voice search sa portal upang mas madaling mahanap ang impormasyon tungkol sa produkto.
Sa text search, maaaring ilagay ng mga gumagamit ang pangalan ng produkto, keyword ng produkto, registration number, at pangalan ng kumpanya.
Kapag naipasok na ang impormasyon at pinindot ang search, lalabas sa sistema kung ang produkto ay rehistrado at aprubado ng FDA.
Mayroon ding voice search feature kung saan maaaring magsalita ang user sa mikropono ng kanilang device at awtomatikong hahanapin ng system ang produkto.
Ayon sa DOH at FDA, layunin ng portal na maprotektahan ang mga mamimili laban sa mga produktong maaaring hindi dumaan sa tamang pagsusuri sa kaligtasan at bisa.
Nagpaalala rin ang mga ahensya sa publiko na maging maingat lalo na sa mga produktong ibinebenta o ina-advertise online na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Dagdag ng DOH, ang pag-verify sa FDA portal ay isang mahalagang hakbang upang matiyak na ang mga binibiling produkto ay dumaan sa kinakailangang regulatory evaluation bago gamitin.








