Handa ang Department of Health na magsagawa ng laboratory testing sa 38 Pilipinong crew members ng MV Hondius sakaling makauwi sila sa bansa, sa gitna ng patuloy na international monitoring kaugnay ng posibleng hantavirus exposure sa barko.

Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, may kakayahan ang Pilipinas na mag-detect ng hantavirus sa pamamagitan ng lokal na mga laboratoryo, kabilang ang PCR testing at iba pang diagnostic methods.

Giit niya, patuloy na nakakatanggap ang DOH ng updates mula sa World Health Organization sa pamamagitan ng International Health Regulations system hinggil sa kondisyon ng mga Filipino seafarers na sakay ng MV Hondius.

Ayon sa DOH, nananatiling asymptomatic o walang sintomas ang 38 Pilipinong crew members at kasalukuyang nasa mahigpit na quarantine sa loob ng barko.

Advertisement

Ipinaliwanag ni Domingo na nakabukod ang mga Pinoy seafarers at hindi nakikisalamuha sa iba pang pasahero, kaya minimal ang posibilidad ng hawahan dahil sa mahigpit na quarantine protocols onboard.

Nauna nang iniulat ng World Health Organization ang posibleng exposure ng ilang indibidwal sa hantavirus matapos ang insidente sa cruise vessel, na unang pinigil sa pagdaong sa ilang pantalan.

Ayon sa DOH, ang MV Hondius ay kasalukuyang pinagpapasyahan pa kung saan dadaan, at kabilang sa mga posibleng destinasyon ang Spain.

Binigyang-diin din ng ahensya na ang hantavirus ay pangunahing naipapasa mula sa ihi at dumi ng mga daga, kaya mahalaga ang maayos na sanitasyon at maingat na paglilinis ng mga lugar na posibleng kontaminado.

Ipinaliwanag pa ng DOH na ang mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, at respiratory issues ay hindi tiyak sa hantavirus lamang, kaya mahalaga ang exposure history para sa tamang diagnosis.

Sa kasalukuyan, wala pang naitatala na kumpirmadong kaso ng hantavirus sa Pilipinas ngayong taon, ayon sa DOH.

Advertisement