Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang dalawang menor de edad kaugnay sa pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na batang babae sa Natonin, Mountain Province.
Ayon sa pulisya, una nilang natanggap ang ulat hinggil sa pagkawala ng biktima bago ito natagpuang wala nang buhay kinabukasan sa likod ng isang maliit na kapilya.
Batay sa imbestigasyon, traumatic brain injury ang ikinasawi ng batang babae.
Isinuko naman ng mga magulang ng 12-anyos at 8-anyos na suspek ang kanilang mga anak sa mga awtoridad. Inamin umano ng 12-anyos na inatake nito ang biktima matapos silang makainom ng alak bago nangyari ang insidente.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang 12-anyos na suspek habang inirekomenda rin na ilagay sa pangangalaga ng ahensya ang 8-anyos na bata.














