Bukas ang Department of Justice (DOJ) na kupkupin o bigyan ng protective custody si Senador Ronald “Bato” M. dela Rosa kaugnay ng kinakaharap niyang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC), ayon kay Justice Secretary Frederick Vida.
Sa pahayag ng kalihim, sinabi niyang handa ang kagawaran na magbigay ng “protective custody” kung gugustuhin ito ng senador kasunod ng pag-alis nito mula sa kustodiya ng Senado noong nakaraang linggo.
“Kung gugustuhin ni Sen. Bato Dela Rosa to be under the protective custody of the DOJ, the DOJ would be more than willing to make arrangements with him,” ani Vida.
Tiniyak din ng DOJ na igagalang ang mga karapatan at obligasyon ng mambabatas, gayundin ang magiging desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng petisyon na kumukuwestyon sa ICC arrest warrant.
Gayunman, nagbabala ang kalihim na agad ipaaaresto si dela Rosa sakaling magtangkang lumabas ng bansa, at iginiit na maituturing itong “mockery of justice” kung susubukan niyang umiwas habang may umiiral na warrant.
Aminado rin si Vida na wala pang pinal na desisyon kung saan dadalhin ang senador sakaling maaresto, at sinabing mas mainam na hintayin muna ang magiging hakbang ng Korte Suprema bago gumawa ng karagdagang hakbang ang DOJ.














