Bumuo ang Department of Justice (DOJ) ng isang special panel of prosecutors upang magsagawa ng imbestigasyon at case buildup kaugnay ng mga insidenteng naganap sa Senado nitong linggo.
Sa muling pagharap sa publiko, inanunsyo ni Justice Secretary Fredderick Vida ang pagbuo ng espesyal na panel na tututok sa komprehensibong imbestigasyon sa mga pangyayari sa loob at paligid ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ayon sa kalihim, layunin ng special panel na magsagawa ng malalim na case buildup upang matukoy ang buong detalye ng mga insidente.
Bibigyan din ng kapangyarihan ang mga nakatalagang piskal na mag-isyu ng subpoena kung kinakailangan sa imbestigasyon.
Inatasan din ni Vida ang mga law enforcement agencies na isumite ang lahat ng ebidensyang may kaugnayan sa insidente, kabilang ang Philippine National Police-Scene of Crime Operatives (PNP-SOCO), National Capital Region Police Office (NCRPO), Pasay City Police Station, at National Bureau of Investigation (NBI).
Binigyan ang mga naturang ahensya ng 48 oras upang ipreserba at isumite ang mga ebidensya, kabilang ang CCTV footage, ballistic at paraffin test results, deployment records, communication logs, incident reports, at witness statements.
Inatasan din ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms sa pamamagitan ng opisina ni Senate President Alan Peter Cayetano na isumite ang kanilang ulat at mga hawak na ebidensya.
Hinimok din ng DOJ ang publiko at media na makipag-ugnayan sa special panel sakaling may hawak silang impormasyon o ebidensya na makatutulong sa imbestigasyon.













