Nagpaalala ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng Department of Justice (DOJ) sa publiko na mag-ingat sa mga alok na pagbebenta ng lamang loob, na bahagi umano ng mapanganib at ilegal na “organ trafficking” na maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan at buhay.
Sa isang online post, binigyang-diin ng IACAT ang panganib ng tinatawag na “organ trafficking trap,” kung saan maaaring malinlang, mapilit, o maabuso ang isang indibidwal kapalit ng agarang pera. Bagama’t tila mabilis na solusyon sa problemang pinansyal, maaari itong magresulta sa matinding komplikasyon sa kalusugan at maging sa pagkamatay.
Mahigpit na pinaalalahanan ng DOJ at IACAT ang publiko na huwag patulan ang ganitong uri ng alok, dahil hindi matutumbasan ng anumang halaga ang kaligtasan at buhay ng isang tao.
Hinimok din ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay nito sa 1343 Actionline against Human Trafficking upang agad na maaksyunan ng mga awtoridad.














