Aalis ng bansa ngayong Huwebes, Abril 23, si Department of Justice (DOJ) Secretary Fredderick A. Vida patungong Czech Republic upang tutukan ang sitwasyon at mga kasong kinakaharap ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, kabilang ang hakbang para sa posibleng pagbabalik nito sa Pilipinas.
Ayon kay Secretary Vida sa isang panayam, pangunahing layunin ng kanyang pagbisita sa Czech Republic ay ang pag-asikaso sa mga hakbang kaugnay ng kaso ng dating kongresista at ang posibleng extradition o pagbabalik nito sa Pilipinas upang harapin ang mga nakabinbing kaso.
Kasama ng kalihim sa biyahe si Chief State Counsel Dennis Arvin Chan ng DOJ. Ayon pa sa kalihim, makakasama rin nila ang mga kinatawan ng Philippine Center for Transnational Crime sa nasabing paglalakbay.
Gayunman, hindi pa nagbigay ng eksaktong detalye si Secretary Vida hinggil sa tagal ng kanilang pananatili sa Czech Republic at kung sino-sinong opisyal ang kanilang makakausap doon.
Binigyang-diin din niya na ang mismong pagpunta ng isang kalihim ng DOJ sa ibang bansa ay nagpapakita ng seryosong intensyon ng pamahalaan na maipatupad ang hustisya at mabawi ang kustodiya ng dating mambabatas.
Inaasahan naman ang kanilang pagdating ng embahada ng Pilipinas sa Czech Republic, na tutulong din sa pag-aasikaso ng mga usapin kaugnay ng kaso ni Zaldy Co.














