Tiniyak ng Department of Justice o DOJ ang kahandaan ng mga piskal nito sakaling magkaroon ng mga maaarestong indibidwal kaugnay ng nagpapatuloy na kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo o INC.

Ayon kay DOJ Secretary Frederick Vida, nakahanda ang mga prosecutor ng kagawaran na gampanan ang kanilang tungkulin anumang oras, lalo na kung may mga mahuhuling lumalabag sa batas sa kasagsagan ng mga pampublikong pagtitipon.

Sinabi ng kalihim na bahagi ng mandato ng DOJ ang agarang pagproseso ng mga kasong maaaring isampa laban sa mga maaaresto, kasabay ng pagtiyak na masusunod ang due process at ang mga umiiral na batas.

Gayunman, nilinaw ni Vida na hindi tulad ng mga nakaraang malawakang kilos-protesta, wala umanong inilabas na espesyal na direktiba ang DOJ upang magtalaga ng karagdagang prosecutors na tututok sa mga posibleng kasong may kaugnayan sa rally.

Advertisement

Sa kabila nito, tiniyak ng kalihim na sapat ang kahandaan ng kagawaran at patuloy ang koordinasyon nito sa Philippine National Police at iba pang law enforcement agencies sakaling kailanganin ang agarang aksyon ng mga piskal.

Samantala, nagsagawa ngayong araw ng kilos-protesta ang ilang miyembro ng Iglesia ni Cristo sa iba’t ibang lugar, kabilang ang EDSA People Power Monument, upang ipanawagan ang transparency, accountability, justice, at peace.

Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon upang matiyak ang mapayapang pagdaraos ng mga pagtitipon at mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.

Advertisement