Naniniwala si Public Works Secretary Vince Dizon na hindi magdudulot ng karagdagang pagkaantala sa malalaking proyekto ng imprastraktura ng pamahalaan ang kamakailang pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Dizon nitong Miyerkules, may mga probisyon sa mga kontrata ng proyekto ng gobyerno na maaaring gamitin kung tataas ang gastos sa mga construction materials, kabilang ang variation at price escalation provisions.
Ipinaliwanag niyang maaaring magamit ang mga mekanismong ito upang matulungan ang mga contractor na makayanan ang pagtaas ng gastos habang nagpapatuloy ang mga proyekto ng pamahalaan.
“Basta tayo, kami ng Department of Transportation (DOTr), tuloy-tuloy lang tayo,” ani Dizon.
Samantala, sinabi naman ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na nakapaloob na sa mga umiiral na kontrata ng infrastructure projects ang mga probisyong nagpapahintulot ng karagdagang bayad kung may biglaang pagtaas ng gastos.
“Pwede silang humingi sa gobyerno. Valid ground ang crisis para sa variation at price escalation, kaya may mga paraan para matulungan din ang ating private partners,” dagdag ni Lopez.
Tinalakay rin ni Dizon ang pagkaantala sa pag-award ng mga bagong proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasunod ng kontrobersiya sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.
Nauna nang nagpahayag ng pangamba si Senate Finance Committee Chairperson Sherwin Gatchalian na posibleng maapektuhan ang economic recovery ng bansa kung mabagal ang paggastos ng gobyerno at kasabay nito ang patuloy na oil crisis.
Gayunman, sinabi ni Dizon na nagsimula na ang bidding para sa mga bagong proyekto noong huling bahagi ng Pebrero at Marso, at inaasahang magsisimula ang pag-award ng mga kontrata bago matapos ang buwang ito.














