NAGA CITY – Kumpiskado ang tinatayang mahigit P500-K na halaga ng iligal na droga sa isang drug den sa Zone 1 Brgy. Sabang, Calabanga, Camarines Sur.
Kinilala ang mga suspek na sina Jocy Samson alyas Sharon; Romeo Samson, 43-anyos, kapwa residente ng nasabing lugar; Erwin Malanyaon, 34-anyos, residente ng Brgy. Salvacion Baybay sa naturang bayan at Samuel Dela Cruz, 28-anyos residente ng Brgy. Bonot Sta. Rosa sa nasabing munisipalidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Investigation Agent 5 Mark Anthony Viray, PDEA Provincial Officer ng CamSur, sinabi nito na itinuturing bilang “Drug Queen” si Alyas Sharon dahil sa laki at posibleng lawak ng mga lugar na sinusuplayan nito ng droga.
Dagdag pa ni Viray, nagsisilbi rin bilang one stop shop ang nasabing drug den, kung saan ito ang nagsusupply ng iligal na droga sa mga mangingisda sa naturang lugar.
Samantala, maliban sa buybust item, nakumpiska sa supek ang isang transparent plastic bag at isang transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu at iba pang mga drug paraphernalia.
Tinataya namang may timbang na 60 grams ang mga nakumpiska na iligal na droga na tinataya ring nagkakahalaga ng nasa P400-K.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.