Idineklara ang panibagong outbreak ng Ebola sa Democratic Republic of Congo (DRC) matapos maitala ang 246 na kaso na may 65 na nasawi, ayon sa Africa Centres for Disease Control and Prevention (Africa CDC).

Batay sa ulat ng Africa CDC, karamihan sa mga nasawi ay mula sa mga bayan ng Mongwalu at Rwampara sa Ituri province, na kilalang mga lugar ng pagmimina ng ginto.

Nagpatawag na rin ng pulong ang mga awtoridad kasama ang mga kalapit-bansang Uganda at South Sudan, gayundin ang ilang international partners, upang talakayin ang mga hakbang sa pagtugon sa outbreak.

Kabilang sa mga tinalakay ang response efforts at pagpapalakas ng cross-border surveillance upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Advertisement

Unang natuklasan ang Ebola noong 1976 sa DRC, at sinasabing nagmula sa mga paniki. Ito na ang ika-17 outbreak ng nakamamatay na sakit sa bansa.

Ayon sa World Health Organization (WHO), wala pang tiyak na lunas sa Ebola at maaaring umabot sa humigit-kumulang 50% ang fatality rate nito.

Advertisement