Ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pansamantalang suspensyon ng disconnection sa mga residential at non-residential consumers na hindi makakabayad ng kanilang electric bills mula Mayo hanggang Hulyo 2026.
Ayon sa ERC, papayagan din ang installment payment scheme na hanggang tatlong buwan upang mabigyan ng mas flexible na paraan ng pagbabayad ang mga konsyumer.
Sakop ng polisiya ang mga konsumo na hindi lalampas sa 200 kilowatt-hours kada buwan, kung saan maaaring hatiin sa tatlong hulog ang bayarin.
Binigyang-diin ng ahensya na layunin ng hakbang na mapagaan ang epekto ng mataas na singil sa kuryente na dulot ng tensyon sa Middle East na nakaapekto sa presyo ng enerhiya.
Dagdag pa ng ERC, ang mga bayaring hindi agad mababayaran ng distribution utilities ay maaaring ipasa sa mga power generators upang maibsan ang financial burden ng mga consumer.
Nilinaw rin ng ERC na ang hakbang ay bahagi ng emergency measures upang matiyak na hindi mawawalan ng kuryente ang mga konsyumer sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng enerhiya.














