Pansamantalang sinuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang koleksyon ng Green Energy Auction Allowance (GEA-ALL) sa mga electric bill sa Mayo at Hunyo 2026 upang maibsan ang gastusin ng mga konsyumer sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin at global economic pressures.
Ang GEA-ALL ay singil na ginagamit para pondohan ang mga renewable energy projects sa bansa tulad ng solar, wind, at hydro energy.
Ayon sa ERC, layunin ng suspensyon na mabawasan ang pasanin sa mga konsyumer habang nananatiling suportado ang transisyon ng bansa patungo sa malinis na enerhiya.
Sinabi ng ahensya na sapat pa ang pondo ng GEA-ALL, na nasa humigit-kumulang P466.49 milyon, upang matustusan ang mga obligasyon sa mga renewable energy developers sa panahon ng pansamantalang paghinto ng koleksyon.
Ayon kay ERC Chairperson Atty. Francis Saturnino Juan, makatutulong ang hakbang upang maibsan ang bigat ng bayarin sa kuryente habang pinananatili ang suporta sa mga proyekto ng renewable energy.
Dagdag pa ng ERC, rerepasuhin muli sa Hunyo ang sitwasyon upang matukoy kung kinakailangan pang palawigin ang suspensyon depende sa kalagayan ng pondo ng GEA-ALL.














