Pinaalis ng Ateneo de Davao University ang estudyante ng Junior High School na napatunayang sangkot sa insidente ng bullying, kasunod ng isinagawang disciplinary proceedings at pagbibigay ng due process.

Sa inilabas na pahayag ng unibersidad, agad na ipinatupad ang pagpapatalsik sa naturang estudyante. Gayunman, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa insidente, kabilang ang iba pang mag-aaral.

Bilang bahagi ng pagpapalakas ng mga hakbang laban sa bullying, bumuo rin ang pamunuan ng University Task Force on Bullying Prevention and Safe Learning Environments. Layunin nitong suriin at pagbutihin ang umiiral na mga polisiya, sistema ng pagsusumite ng reklamo, at mga mekanismo para mapanatiling ligtas ang kapaligiran ng pag-aaral.

Muling iginiit ng unibersidad na hindi nito kinukunsinti ang anumang uri ng karahasan at bullying sa loob ng kanilang institusyon. Tiniyak din ng pamunuan na mananagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa kanilang mga patakaran.

Advertisement

Advertisement