Nakatakdang tumestigo para sa prosekusyon ang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways na si dating Undersecretary Roberto Bernardo sa kasong malversation laban kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at 15 iba pa kaugnay ng umano’y substandard na P289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Pinayagan ng Sandiganbayan Sixth Division ang mga prosecutor mula sa Office of the Ombudsman na idagdag si Bernardo sa listahan ng mga testigo ng prosekusyon, batay sa isinumiteng pre-trial brief sa kort
Isa si Bernardo sa apat na state witnesses na tinukoy ng Department of Justice kaugnay ng kontrobersiyal na flood control projects. Kabilang din sa mga testigo sina dating Bulacan First District Engineering Office district engineer Henry Alcantara, engineer Gerard Opulencia, at contractor na si Sally Santos ng SYMS Construction Trading.
Sa pagdinig ng Senado noong Setyembre 2025, inakusahan ni Bernardo si Co at ilang opisyal ng pamahalaan na umano’y sangkot sa kickback scheme kaugnay ng flood control projects. Kabilang sa kanyang binanggit sina Francis Escudero at mga dating senador na sina Ramon Bong Revilla Jr. at Nancy Binay.
Ayon kay Bernardo, sinabi umano ni Alcantara na humihingi si Co ng 25 porsiyentong komisyon mula sa proyekto at may bahagi rito na paghahatian umano nila ni Alcantara.
Sa hiwalay na pagdinig para sa piyansa ng mga akusado, tumestigo naman si Commission on Audit Region 4B auditor na si Victoriano Acosta na naglabas ang COA ng P84-milyong notice of disallowance sa proyekto matapos matukoy na hindi ito itinayo alinsunod sa orihinal na plano at specifications.
Ipinaliwanag ng COA na ang notice of disallowance ay nangangahulugan na ang ginastos na pondo ng pamahalaan ay maaaring ituring na irregular, hindi kinakailangan, labis, magarbo, o hindi makatarungan.
Nakatakda ang susunod na pagdinig sa kaso sa Marso 17 at 19.












