Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na kumikilos ang pamahalaan upang buksan ang lahat ng pangunahing kalsada para matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong at paggalaw ng mga residente na apektado ng aktibidad ng Mayon Volcano.
Ayon sa Pangulo, target ng pamahalaan na maging bukas ang mga pangunahing thoroughfares upang makapasok ang mga kailangang maghatid ng tulong at makalabas ang mga residente na apektado ng ashfall, hangga’t hindi muling lalala ang pag-aalburuto ng bulkan.
“I think we will be able to say that the thoroughfares will be open today huwag lang magbuga ulit,” pahayag ni Marcos sa panayam.
Nauna na niyang inatasan ang agarang pagpapadala ng tulong sa mga komunidad sa Guinobatan at Camalig na naapektuhan ng pag-aalburuto at pag-ulan ng abo.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), mahigit 300,000 food at non-food items na ang naka-preposition sa Bicol Region upang mabilis na maipamahagi sa mga apektadong pamilya.
Sinabi rin ng Pangulo na nakausap na niya ang gobernador ng Albay at tiniyak na sapat ang kasalukuyang tulong na naibibigay sa mga apektadong lugar.
Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nakapagtala ang Mayon ng limang volcanic earthquakes, kabilang ang apat na volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang tatlong minuto, gayundin ang 411 rockfall events at apat na pyroclastic density current signals.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente habang nananatiling aktibo ang bulkan.














