NAGA CITY- Sugatan ang isang grade 12 student matapos na barilin ng dalawang beses sa Brgy Bignay 2, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si alyas Aries, 20-anyos, residente ng nabanggit na lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima, nang harangin ito ng suspek na kinilalang si alyas Pinoy, pinsan ng biktima, 47-anyos, residente rin ng nabanggit na lugar.

Dito naman pinaputukan ng dalawang beses gamit ang improvised shotgun o sumpak ni Pinoy si Aries na tinamaan sa kanyang kaliwang baywang.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na matapos ang nasabing insidente ay kaagad naman na tumakas ang suspek papunta sa direksyon ng San Juan, Batangas gamit ang kanyang motorsiklo, bitbit ang sumpak na ginamit nito.

Samantala, personal na galit naman ang isang tinitingnan na motibo ng mga otoridad sa pangyayari.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang paghahanap ng mga kapulisan sa posibleng kinaroroonan ng suspek.