Sumiklab ang grass at forest fire sa Homonhon Island sa Eastern Samar, na nag-udyok sa mga awtoridad na maglunsad ng aerial firefighting operations.

Ayon sa Philippine Air Force (PAF), nagpadala sila ng S-70i Black Hawk helicopter sa apektadong lugar noong Linggo upang tumulong sa pag-apula ng apoy.

Gamit ang helibucket system, nagsagawa ang helicopter ng precision water drops sa mga apektadong bahagi at nakumpleto ang siyam na sorties sa operasyon.

Gayunman, sinabi ng PAF na hindi pa idinedeklarang “fire out” ang sunog at patuloy pa rin ang ground at aerial suppression operations ng mga responder.

Advertisement

Ayon sa ahensya, aktibong nakikipagtulungan ang PAF sa iba’t ibang partner agencies at local government units upang tuluyang maapula ang apoy.

Binigyang-diin din ng Air Force na ang operasyon ay patunay ng kanilang patuloy na serbisyo publiko at kahandaan sa pagtugon sa mga emerhensiya sa bansa.

Advertisement