Nakatakdang pagtibayin ngayong Lunes, Mayo 4, ng House Committee on Justice ang ulat na nagrerekomenda ng Articles of Impeachment sa Senado laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay House Justice Committee Chair at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro.
Sinabi ni Luistro na natapos na ng komite ang pagsusuri kung mayroong probable cause ang mga ebidensyang iniharap laban sa Bise Presidente.
Sa mga pagdinig, lumitaw ang ilang mabibigat na alegasyon, kabilang ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, kung saan P125 milyon umano ang nagastos sa loob lamang ng 24 oras.
Pinuna rin ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang tinaguriang “envelope system” at umano’y kahina-hinalang mga resibo. Sa isinagawang forensic analysis ng National Bureau of Investigation (NBI), natuklasan umano ang pamemeke ng mga pirma.
Batay naman sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), natukoy ang mga pekeng pangalan ng mga recipient, habang kinumpirma ng Commission on Audit (COA) ang disallowance na mahigit P73 milyon.
Isa rin sa mga isyung tinalakay ang umano’y paglobo ng yaman ni Duterte. Ayon sa datos ng Office of the Ombudsman, umabot sa P88 milyon ang kanyang net worth noong 2024. Gayunman, sinabi ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may natukoy silang kahina-hinalang transaksyon na umaabot sa P6.7 bilyon na umano’y kinasasangkutan ni Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.
Kasama rin sa mga paratang ang umano’y “kill threat” laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.













