Pormal na hiniling ng House prosecution panel sa Senate impeachment court na maisulong sa Martes, Hulyo 14, ang pagtestigo ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, mula sa orihinal na iskedyul nitong Miyerkules, Hulyo 15.
Ayon kay Prosecution Rep. Lorenz Defensor, ang kahilingan ay kasunod ng liham ni Matibag kay lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, kung saan ipinaabot nito ang hangaring makapagbigay ng testimonya bago ang kanyang pagdalo sa Regional Summit on Scam Center Compounds and Transnational Organized Crime sa Bangkok sa Hulyo 21 at 22. Aniya, nais niyang makapagtestigo bago ang biyahe upang hindi maantala ang pag-usad ng paglilitis.
Bagama’t walang direktang pagtutol sa kahilingan, nagpahayag ng pangamba si Senator-judge Alan Peter Cayetano na maaaring maging hindi magandang precedent ang biglaang pagbabago sa iskedyul. Sinang-ayunan ito ni Senator-judge Sherwin Gatchalian, na nagsabing posibleng maapektuhan ang paghahanda ng magkabilang panig.
Nilinaw naman ni Trial Presiding Officer Francis Escudero na hindi pa napapadalhan ng subpoena si Matibag.
Mariin namang tinutulan ng kampo ng depensa ang mosyon, iginiit na nilalabag nito ang itinakdang five-day witness rule ng impeachment court at maaari umanong makasagasa sa kanilang karapatang maihanda ang cross-examination ng testigo.
Sa huli, inatasan ng impeachment court ang prosekusyon na isumite ang liham ni Matibag at ang kanyang travel authority upang masuri muna ng mga senador bago pagdesisyunan ang kahilingan.
Inaasahang ilalahad ni Matibag ang resulta ng opisyal na imbestigasyon ng NBI kaugnay ng umano’y banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Samantala, nitong Lunes ay humarap sa impeachment court si NBI Regional Director Jeremy Lotoc, na kabilang din sa mga nagsagawa ng imbestigasyon sa naturang alegasyon.









