Inilipat ng Senate impeachment court sa Hulyo 20 ang nakatakdang pagtestigo ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag upang mabigyan siya ng pagkakataong makadalo bago ang kaniyang official engagement sa Bangkok, Thailand sa Hulyo 21 hanggang 22.

Inaprubahan ni Trial Presiding Officer Francis Escudero ang hiling ng prosekusyon na ilipat ang iskedyul ng pagtestigo ni Matibag, sa kabila ng pagtutol ng kampo ng depensa. Kasabay nito, iginiit ni Escudero na dapat ipagpatuloy ang pagtestigo ng NBI director hanggang makumpleto ng prosekusyon at depensa ang kanilang pagtatanong.

Aniya, kung hindi matatapos ang testimonya ni Matibag sa Hulyo 20, magpapatuloy ito sa susunod na araw ng paglilitis hanggang makumpleto ang cross-examination, redirect examination, at recross-examination kung kinakailangan.

Nagpalabas din ng subpoena ang Senate impeachment court na nag-uutos kay Matibag na humarap sa pagdinig sa ganap na alas-2:00 ng hapon sa Hulyo 20.

Advertisement

Inaasahang magbibigay si Matibag ng testimonya kaugnay ng isinagawang imbestigasyon ng NBI sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi niyang mayroon na umano siyang kinontratang papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kaniya.

Advertisement