NAKATAKDANG isumite ng House prosecution team ngayong Lunes, Hunyo 15, ang kanilang pre-trial brief sa Senate Impeachment Court bilang bahagi ng paghahanda para sa kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Pangungunahan ni Batangas Representative Gerville Luistro ang paghahain ng dokumento na naglalaman ng mahahalagang detalye para sa nalalapit na paglilitis sa Senado.

Ayon kay Luistro, mahalagang bahagi ng pre-trial brief ang tinatawag na “stipulation of facts” o mga katotohanang maaari nang pagkaisahan ng magkabilang panig at hindi na kailangang pagtalunan sa paglilitis.

Ipinaliwanag niya na dito ilalatag ng prosekusyon at depensa ang mga ebidensya at pahayag na kanilang tinatanggap o tinututulan. Kapag nagkasundo ang dalawang kampo sa isang partikular na katotohanan, hindi na ito kailangang patunayan pa sa korte.

Advertisement

Gayunman, kung tutulan ng kabilang panig ang isang stipulation, obligasyon ng naghain nito na patunayan ang naturang pahayag sa pamamagitan ng mga ebidensya at testigo.

Ayon pa kay Luistro, layunin ng proseso na mabawasan ang mga isyung pagtatalunan upang maging mas maayos at episyente ang takbo ng impeachment trial.

Matatandaang itinakda ng Senate Impeachment Court ang pre-trial conference sa Hunyo 18. Tatalakayin dito ang mga stipulation, listahan ng mga testigo, at pagmamarka ng mga dokumentong gagamiting ebidensya sa kaso.

Advertisement