Nakauwi na sa bansa ang huling apat na Pilipinong tripulante ng MT Aqua 1 matapos itong tamaan ng missile malapit sa Ras Laffan Industrial Hub sa Qatar noong Abril 1, 2026.
Ang mga naturang tripulante ay kabilang sa 21 Pilipinong seafarers na sakay ng Panama-flagged oil/product tanker na MT Aqua 1. Lahat sila ay ligtas matapos ang insidente ng pag-atake sa barko.
Nauna nang nakauwi sa Pilipinas ang dalawang batch ng mga Pilipinong crew nitong Abril, kasunod ng koordinasyon ng mga kaukulang ahensya para sa kanilang repatriation.
Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy ang kanilang monitoring sa iba pang Pilipinong seafarers na nananatili sa mga barko sa Persian Gulf, kasabay ng umiiral na tensyon at paghihigpit sa ilang shipping routes.
Samantala, iniulat din ng DMW ang ligtas na pagdating sa bansa ng 129 overseas Filipino workers at kanilang pamilya mula Dubai, United Arab Emirates.
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport ang grupo noong Huwebes ng gabi, na binubuo ng 93 OFWs at 36 kaanak.
Sinalubong sila ng mga kinatawan ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at binigyan ng tulong tulad ng financial assistance, medical check-up, pansamantalang tirahan, transportasyon, at pagkain.














