Naglunsad ng iba’t ibang aktibidad ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Provincial Office ng Camarines Sur sa pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week ngayong huling linggo ng Oktubre.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay JO1 Sunday Valenzuela, CRS Officer/Development Officer BJMP Camarines Sur, sinabi nito na Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang Project Tukad o hike for a cause sa Iriga City at fun run sa Libmanan.

Nakatakda rin ang Neon Color Fun Run sa Naga City ngayong Oktubre 30 na lalahukan ng komunidad, mga paaralan at iba pang stakeholders.

Samantala, nagsagawa rin ng mga aktibidad ang mga pasilidad ng BJMP sa Tigaon at Sipocot, kabilang ang motorcade at Barakong Magayon sa loob ng mga kulungan.

Advertisement

Ayon sa pamunuan ng BJMP Camarines Sur, layunin ng mga aktibidad na hindi lamang magbigay ng makabuluhang libangan sa Persons Deprived of Liberty (PDLs) kundi mabigyan din sila ng pagkakataong maipakita ang kanilang mga talento at kakayahan.

Bahagi rin ng mga aktibidad ang pangangalap ng pondo para sa kapakanan at pagpapaunlad ng mga pasilidad at programa para sa mga PDL.

Sa pamamagitan ng registration fees sa fun run, may bahagi ng malilikom na halaga na ilalaan sa pagpapaunlad ng mga pasilidad, kabilang ang library ng Naga City Jail.

Ayon pa kay Valenzuela na mahalagang magkaroon ng mga ganitong aktibidad upang mabawasan ang pagkabagot ng mga PDL sa loob ng kulungan at mapanatili ang kanilang aktibong pakikilahok sa mga programang nagtataguyod ng kanilang kapakanan at rehabilitasyon.

Saklaw ng BJMP Provincial Office ng Camarines Sur ang anim na jail facilities, kabilang ang Naga Male and Female Dormitories, Libmanan, Iriga, Tigaon at Sipocot.

Advertisement