Kinumpirma ng World Health Organization na may naitalang kaso ng hantavirus infection sa mga pasaherong sakay ng cruise ship na MV Hondius, kung saan pitong kaso ang kumpirmado at isa ang probable, kasabay ng tatlong nasawi.

Batay sa ulat ng WHO at mga national health authorities, kumalat ang kaso ng hantavirus sa mga pasaherong mula sa iba’t ibang bansa habang nasa biyahe ang MV Hondius, na nagresulta sa pagkakaospital, isolation, at repatriation ng mga apektadong indibidwal.

Sa Netherlands, dalawang pasahero ang nasawi at isa ang kumpirmadong infected, kabilang ang ship’s doctor na positibo sa Andes strain ng virus at kasalukuyang nasa isolation at stable.

Sa United Kingdom, dalawang pasahero ang kumpirmadong may impeksiyon habang isa ang itinuturing na probable case. Ang isa sa kanila ay dinala pa sa intensive care sa South Africa bago kumpirmahin ang virus, habang ang isa ay nagpositibo matapos magpakita ng sintomas habang naka-isolate.

Advertisement

Sa Germany, isang pasaherong babae ang nasawi matapos magkasakit sakay ng barko, at kalauna’y kinumpirmang positibo sa Andes virus. Ang kanyang kaso ay kinonsiderang bahagi ng outbreak sa barko.

May mga kaso rin sa Switzerland, France, United States, at Spain, kung saan ilang pasahero ang nagpositibo o sumasailalim sa pagsusuri at isolation matapos ma-repatriate mula sa barko. Sa US, ilang pasahero ang dinala sa specialized medical facilities para sa masusing obserbasyon.

Ayon sa WHO, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa iba pang posibleng kaso at close contacts upang matukoy ang lawak ng pagkalat ng impeksiyon.

Ang hantavirus ay isang seryosong viral infection na maaaring makuha mula sa contact sa infected rodents o kanilang dumi, at maaaring magdulot ng malubhang respiratory complications sa mga tao.

Advertisement