Hiniling ng International Criminal Court (ICC) Prosecution na ibasura ang hirit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na payagang iapela ang desisyon ng korte na kumukumpirma sa mga kaso laban sa kanya kaugnay ng umano’y extrajudicial killings.

Sa isang 12-pahinang dokumento na may petsang Mayo 4, iginiit ng Prosecution sa ICC Pre-Trial Chamber I na walang bagong argumento ang iniharap ng kampo ni Duterte at ang kanilang apela ay nakabatay lamang sa hindi pagsang-ayon sa naging desisyon ng korte.

Ayon sa prosekusyon, mali ang interpretasyon ng kampo ni Duterte sa desisyon ng ICC, partikular sa usapin ng mga sakdal. Binigyang-diin na malinaw na tinalakay ng korte ang mga detalye ng kaso at pinakinggan ang mga argumento ng magkabilang panig bago naglabas ng pasya.

Pinuna rin ng Prosecution ang ilang pahayag ng legal team ni Duterte sa media kung saan tinawag umano ang ICC na “biased” at “self-serving.” Ayon sa kanila, ang mga ganitong pahayag ay lumalabag sa Code of Conduct at maaaring makasira sa integridad ng korte.

Advertisement

Binanggit din ng Prosecution si dating presidential legal counsel Salvador Panelo, na umano’y nagpalaganap ng kaparehong argumento sa media sa Pilipinas, kabilang ang pahayag na ang ICC ay “trying to justify its existence.”

Dagdag pa ng Prosecution, ang ganitong mga pahayag ay maaaring makaapekto sa mga testigo at biktima, na posibleng matakot na lumahok sa proseso dahil sa mga alegasyong pumupuna sa korte.

Noong Abril, binuo na ng ICC Presidency ang Trial Chamber na hahawak sa kaso ni Duterte bilang paghahanda sa pormal na paglilitis kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity.

Advertisement