Ikinalugod ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court ang naging desisyon ng Pre-Trial Chamber I na gawing publiko ang arrest warrant laban kay Senador Ronald dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs sa Pilipinas.

Sa inilabas na pahayag ng ICC Prosecution, sinabi nitong mahalagang hakbang ang pag-unseal ng warrant sa patuloy na paghahanap ng pananagutan sa mga umano’y krimen na naganap sa ilalim ng anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.

Ayon sa prosekusyon, unang inilabas bilang secret warrant ang arrest order noong Nobyembre 6, 2025 at naipadala na ito sa mga kaukulang awtoridad sa Pilipinas.

Batay umano sa ebidensiyang iniharap ng Office of the Prosecutor, may “reasonable grounds” upang paniwalaang si dela Rosa, kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang co-perpetrators, ay may pananagutan sa mga pagpatay mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018.

Advertisement

Tinukoy rin ng ICC na si dela Rosa, bilang dating Davao City Police Director at kalaunang hepe ng Philippine National Police, ay umano’y bahagi ng isang “common plan” kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs.

Dagdag pa ng Prosecution, ang mga kasong binanggit sa warrant ay maaaring representasyon lamang ng mas malawak pang pattern ng mga pagpatay sa bansa.

Nanawagan din ang ICC sa mga direktang saksi, kabilang ang mga dati at kasalukuyang miyembro ng PNP, na lumantad at magbigay ng impormasyon hinggil sa mga umano’y krimen.

Samantala, nananatili si dela Rosa sa ilalim ng protective custody ng Senado matapos ang tangkang pagsisilbi ng warrant ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation sa loob ng Senado noong Lunes.

Advertisement