Photo © web

Sinabi ng International Criminal Court (ICC) Registry na patuloy nilang mino-monitor ang kondisyon at galaw ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nakakulong sa The Hague dahil sa kanyang edad at umano’y malalang karamdaman.

Sa isang pitong pahinang dokumento na may petsang Mayo 20, inilahad ng ICC Registry na itinuturing si Duterte bilang isang detainee na may mataas na panganib na matumba, ngunit wala umanong naitalang insidente ng pagkahulog sa nakalipas na 30 araw.

Ayon sa ulat, hindi ibinunyag ng ICC ang detalye ng mga chronic condition ng dating pangulo dahil sa umiiral na medical confidentiality.

Gayunman, sinabi ng ICC Registry na sa mga bihirang pagkakataon na nawawalan siya ng balanse, agad siyang tinutulungan ng detention staff at sumasailalim sa pagsusuri ng medical team.

Advertisement

Nagpatupad din umano ng mga pagbabago sa selda at visiting rooms ng dating pangulo upang masiguro ang kaligtasan at mas komportableng paggalaw habang nasa kustodiya.

Dagdag pa ng ICC, tuloy-tuloy ang pagbibigay ng medical care kay Duterte habang nililitis siya kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay naging Pangulo ng bansa.

Advertisement