Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na posibleng magsimula ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa loob ng dalawang linggo matapos matanggap ng Senado ang articles of impeachment mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Binigyang-diin ni Sotto, bilang Senate President, na agad aaksyunan ng Senado ang anumang impeachment complaint “forthwith” alinsunod sa itinakda ng 1987 Constitution, na nangangailangan ng agarang aksyon sa mga ganitong kaso.
Tiniyak din niya na magiging patas at maayos ang proseso ng paglilitis, at hinikayat ang mga senador na posibleng maging senator-judges na manatiling walang kinikilingan sa kabila ng kanilang mga political affiliation.
Kasabay nito, pinabulaanan ni Sotto ang mga alegasyong may nakaayos nang boto laban kay Vice President Sara Duterte, at iginiit na nakakasira sa institusyon ng Senado ang pagpapakalat ng ganitong uri ng paratang.
Ayon sa kanya, mahalagang mapanatili ang integridad ng proseso upang matiyak ang kredibilidad ng impeachment court at ng buong lehislatura.














