NAGA CITY – Nagpaabot ngayon ng pakikiramay si dating Naga City Mayor John Bongat sa pamilya Robredo matapos pumanaw na ang ina ni Vice President Leni Robredo na si dating Dean Salvacion ‘Sally’ Gerona.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Bongat, sinabi nitong nakakalungkot ang nangyari lalo pa at isang mabuting tao aniya si Gerona.

Aniya, very humble ito kung saan minsan na nila itong nakasama ng kanyang asawa na si Farah Bongat sa isang pribadong paaralan sa Naga City.

Dagdag pa ni Bongat, nakausap pa naman niya si Gerona noong mga nakaraang buwan ngunit limitado na ang nakakapasok sa ICU noong mga nakaraang araw kaya hindi na sila muling nagkita.

Una nang naconfine sa Mother Seton Hospital sa Naga City si Gerona dahil sa iniindang sakit.

Si Gerona ang asawa ng dating Regional Trial Court Judge Antonio Gerona Sr.

Naging Dean ng College of Education at Graduate School at Vice President for Academics ng Universidad De Sta. Isabel, Naga City.