Maaaring pumalo sa pagitan ng 5 hanggang 6 % ang inflation sa Pilipinas ngayong 2026 dahil sa mataas na presyo ng langis, kakulangan sa suplay ng pagkain, at patuloy na pagtaas ng gastos sa ekonomiya, ayon sa isang dating opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ayon kay Diwa Guinigundo, ekonomista ng GlobalSource Partners at dating deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas, pumapasok na ang bansa sa mas delikadong yugto ng inflation kung saan nagiging tuloy-tuloy na ang pagtaas ng presyo mula sa dating pansamantalang epekto ng supply shocks.
Batay sa pinakahuling datos, umabot sa 4.1 porsyento ang inflation noong Marso, mas mataas kumpara sa 2.4 porsyento noong Pebrero at higit doble sa naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon, indikasyon ng lumalakas na pressure sa presyo ng mga bilihin.
Dahil dito, inamin ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang panganib at itinaas ang kanilang inflation projection para sa 2026, mula sa naunang 3.6 porsyento at 3.2 porsyento patungong 5.1 porsyento at 3.8 porsyento.
Ipinaliwanag ni Guinigundo na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, limitadong suplay ng pagkain sa lokal na merkado, at tinatawag na “second-round effects” tulad ng pagtaas ng sahod, pamasahe, at singil sa utilities ang nagtutulak sa mas mataas na inflation.
Binalaan din niya na posibleng maapektuhan ang paglago ng ekonomiya dahil sa pagbawas ng purchasing power ng mga sambahayan.
Sa pagtataya ng GlobalSource Partners, maaaring bumagal ng 0.5 hanggang 1.5 puntos ang gross domestic product growth mula sa baseline na 5 porsyento kung magpapatuloy ang kasalukuyang sitwasyon.
Gayunman, sinabi ni Guinigundo na maaaring sapat na ang pagtaas ng policy rate ng 25 hanggang 50 basis points, kasabay ng malinaw na gabay sa polisiya, upang mapanatili ang kredibilidad ng Bangko Sentral at makontrol ang inflation.














