Tiniyak ng Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) na naisumite na nito sa Interpol ang kumpletong dokumento para sa red notice laban kay dating kongresista Elizaldy Co, kahit wala na ito sa kustodiya ng Czech Republic.
Ayon kay PCTC Executive Director Romeo Prestoza, ipinadala na sa Interpol Secretariat ang mga kinakailangang dokumento at inaasahang maaprubahan ang red notice laban kay Co, na nahaharap sa mabibigat na kaso.
Giit ni Prestoza, mahalagang mailabas ang red notice upang mapadali ang paghuli at pagbabalik sa bansa kay Co sa pamamagitan ng extradition o deportation mula sa alinmang bansang miyembro ng Interpol.
Samantala, kinumpirma ni Acting Justice Secretary Fredderic Vida na wala na sa kustodiya ng Czech authorities si Co at hindi rin ibinigay ang detalye kung saan ito nagtungo. Gayunman, pinaniniwalaang nasa loob pa rin ito ng Schengen Area.
Hindi rin nakakuha ng impormasyon ang DOJ kung nag-apply ng asylum si Co, dahil tumanggi ang Czech officials na magbigay ng karagdagang detalye hinggil sa kanyang kinaroroonan.
Sa kabila nito, tiniyak ni Vida na magpapatuloy ang pamahalaan sa legal na hakbang upang maibalik sa Pilipinas ang dating mambabatas. Aniya, kapag naaprubahan ang red notice, maaaring arestuhin si Co ng anumang bansang kasapi ng Interpol.
Inihayag din ng DOJ na magsisimula ang negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic para sa mga kasunduang may kinalaman sa law enforcement, kabilang ang extradition.
Kumpiyansa naman si Vida na maibabalik si Co sa bansa upang harapin ang mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Si Co, dating chairman ng House Committee on Appropriations, ay inakusahan ng manipulasyon sa pambansang badyet at pagkakasangkot sa multi-milyong pisong proyekto. Itinanggi niya ang mga alegasyon at iginiit na may banta sa kanyang buhay.
Matatandaang idineklara ng Sandiganbayan si Co bilang fugitive from justice matapos itong umalis ng bansa at mamataan sa iba’t ibang lugar sa Europa at Estados Unidos.
Huli itong naiulat na naharang sa hangganan ng Germany mula Czech Republic dahil sa kakulangan ng dokumento, bago pansamantalang mapunta sa kustodiya ng Czech authorities.














