Photo © web

Muling uminit ang tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos kasabay ng ulat na posibleng magsagawa ng hiwalay at potensyal na direktang pag-uusap ang magkabilang panig sa Pakistan ngayong weekend.

Ayon sa Iranian state broadcaster, hindi plano ni Foreign Minister Abbas Araghchi na makipagkita nang direkta sa mga opisyal ng Estados Unidos sa Pakistan, ngunit maaaring magsilbing tagapamagitan ang Islamabad upang maiparating ang posisyon ng Iran kaugnay ng posibleng pagwawakas ng digmaan.

Sinabi naman ng White House na ipinadala nito sina Steve Witkoff at Jared Kushner sa Pakistan matapos umanong hilingin ng Iran ang face-to-face discussions. Ayon sa isang opisyal ng Pakistan, magkakaroon muna ng hiwalay na pagpupulong ang mga delegasyon ng Iran at Estados Unidos sa mga opisyal ng Pakistan bago posibleng maganap ang direktang usapan sa Linggo kung magiging maayos ang unang round ng pag-uusap.

Nabatid na dumating na sa Pakistan si Araghchi nitong Biyernes ng gabi (local time) para sa hiwalay na talakayan sa bilateral issues ng Iran at Pakistan.

Advertisement

Kasabay nito, nagpatupad ang U.S. Treasury ng bagong sanctions laban sa Iran, kabilang ang pagdagdag ng humigit-kumulang 40 entities at tankers sa blacklist at pag-freeze ng $344 million sa cryptocurrency assets. Ayon kay U.S. Treasury Secretary Scott Bessent, layunin ng hakbang na targetin ang “financial lifelines” ng Iran habang nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon.

Advertisement