Inihayag ng Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran na bibigyan nila ng ganap na kalayaan ang mga bansang UAE at Europeo sa Strait of Hormuz kung papalayasin nila ang mga ambassador ng Israel at Estados Unidos, kasunod ng tensyon sa rehiyon at pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Inihayag ng IRGC na hindi nila pahihintulutan ang pag-export ng langis mula sa rehiyon kung magpapatuloy ang mga militar na operasyon ng U.S. at Israel. Ayon sa pahayag, sila mismo ang magpapasya sa pagtatapos ng digmaan sa West Asia, at hindi ang Amerika.
Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ni U.S. President Donald Trump na malapit nang matapos ang giyera sa Gulf region dahil sa mga demonstrasyon kaugnay ng pagtatalaga kay Mojtaba Khamenei bilang bagong Supreme Leader ng Iran.
Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang ruta ng pag-export ng langis sa mundo, na nag-uugnay sa mga pangunahing Gulf oil producers papunta sa Gulf of Oman at Arabian Sea. Dahil dito, sumipa na sa $120 kada bariles ang krudo sa loob ng 10-araw na labanan ng U.S. at Israel laban sa Iran, na nagdulot ng pangamba sa pandaigdigang merkado na umabot sa $119.50 kada bariles ang presyo ng Brent crude.
Bagama’t bumaba ang presyo sa humigit-kumulang $100 noong Martes, mahigit 20% ang tumaas nito kumpara sa simula ng digmaan noong Pebrero 28. Nahihirapan na rin ang mga Gulf oil producers dahil sa mga nasirang site mula sa nakaraang pag-atake ng Iran.














