Inakusahan ng Iran ang Estados Unidos ng paglabag sa umiiral na ceasefire matapos umano nitong targetin ang dalawang barko sa Strait of Hormuz at maglunsad ng pag-atake sa mga sibilyang lugar, ayon sa Iranian military command.

Ayon sa pahayag ng tagapagsalita ng Khatam al-Anbiya Central Headquarters na iniulat ng state media, tinamaan umano ng US ang isang Iranian oil tanker na naglalakbay mula sa baybayin ng Iran patungong Strait of Hormuz, pati na rin ang isa pang barko na papasok sa naturang kipot malapit sa port ng Fujairah sa United Arab Emirates.

Kasabay nito, sinabi ng Iran na may koordinasyon umano sa ilang bansa sa rehiyon ang Estados Unidos sa pagsasagawa ng air strikes na tumama sa mga sibilyang lugar sa baybayin ng Bandar Khamir, Sirik, at Qeshm Island.

Mariing kinondena ng Iran ang mga naturang aksyon at iginiit na paglabag ito sa kasunduan ng ceasefire, habang patuloy ang tensyon sa isa sa pinakamahalagang shipping routes sa mundo.

Advertisement
Advertisement